Mayo noon ang buwan, at may Santacruzan.
Ikaw ang Elena, sa gabi'y siyang reyna.
Libo ang kandila; ngunit pagtingala -
tila ba himala - higit pa ang tala!
Ilaw rito't doon sa puso ko noon.
Ngunit ako'y lito, kaya't di natanto,
na lahat ng ilaw, na sa aki'y tanglaw,
ay ikaw. Ay ikaw. Ikaw.
Paglipas ng Mayo, pagsungaw ng Hunyo,
nang ika'y lumayo, ilaw ri'y naglaho
At mga kandila nangagsipagluksa
at sa pagtingala wala ni isang tala.
Dilim dito't doon, pumaligid noon,
kung kaya't natanto ng puso kong ito
na lahat ng ilaw na sa aki'y tanglaw,
ay ikaw. Ay ikaw! Ikaw.
Kung ikaw ay wala, wala rin ni tala.
Kung ika'y kapiling, kahit tala'y saling.
Sapagkat ang ilaw na sa aki'y tanglaw
ay ikaw! Ay ikaw! Ikaw!
---
"Ikaw," awit sa dulang "Sinta" ni Pagsi.
Thursday, February 11, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment